Nagbanta si U.S. President Donald Trump na muling magsasagawa ng military action ang U.S. laban sa Iran kung magmamatigas itong buksan ang Strait of Hormuz, isang pangunahing rutang dinaraanan ng langis at kalakal sa mundo.
Ginawa ni Trump ang pahayag matapos muling i-anunsyo ng Iran ang posibilidad ng pagsasara ng Strait of Hormuz.
Ayon sa Iran, hindi pa natutupad ng Estados Unidos ang mga pangako nito kaugnay ng pagpapahinto ng giyera sa Lebanon, dahilan upang hindi muna sila makipag-usap tungkol sa mas sensitibong mga isyu gaya ng kanilang nuclear program.
Sa kabila nito pinangunahan ni U.S. Vice President JD Vance ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Iran, sa tulong ng mga mediator mula sa Qatar at Pakistan.
Binigyang-diin din niya na nais parin ni Trump na magkaroon ng bagong pag-uusap sa relasyon ng Estados Unidos at ng mamamayan ng Iran.
Napag-alaman na hindi rin nagkaroon ng anumang joint appearance ang mga kinatawan ng dalawang bansa.
Nakipagkita lamang sandali si Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi sa isa sa mga mediator na si Shehbaz Sharif, ngunit hindi siya nakipag-usap kay Vance.
Nanindigan naman ang Tehran na hindi uusad ang susunod na yugto ng negosasyon, kabilang ang mga usapin sa nuclear program nito, hangga’t hindi natitigil ang labanan sa Lebanon at hindi natatanggap ang mga ipinangakong benepisyo sa ekonomiya ng bansa.
















