Walang kapangyarihan ang Department of Energy (DOE) para suspindihin ang VAT at Excise tax sa mga produkto ng petrolyo.
Tugon ito ni Department of Energy (DOE) Officer-in-Charge (OIC) Sharon Garin kasunod ng panawagan na suspendihin ang fuel tax.
Sinabi ni Garin na hindi nila basta-basta maaaring suspendehin ang tax sa produktong petrolyo dahil minamandato ito ng batas.
Aniya ang dapat umaksiyon dito ay ang Kongreso kung kailangan amyendahan ang kasalukuyang batas o i-abolish.
Ipinapanawagan ng ilang grupo ang pag-suspend sa excise tax at value-added tax sa produktong petrolyo dahil sa pinangangambahang big-time oil price hike dahil sa tensyon sa Middle East.
Ayon kay Garin napag-usapan nila sa pulong kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr at ang mga economic managers ang posibleng suspension ng fuel taxes.
Ipinunto ng dating mambabatas na walang naka saad sa batas ang suspension sa tax, ang pinapayagan lamang ay ang suspension sa pagtaas ng presyo.
Sinabi ni Garin nasa P300 billion ang koleksiyon ng gobyerno mula sa excise tax at VAT na source of funds ng pamahalaan para makapagpatayo ng school buildings, daan at iba pang mga health services.