-- Advertisements --

Tuluy-tuloy ang paghahanda ng Senado para sa nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. 

Ito ang kinumpirma ni Senate Spokesperson Arnel Bañas kung saan sa Hunyo 2 ang pagbabasa ng articles of impeachment at pagtuntong ng Hunyo 3 ay dito na manunumpa ang mga senador upang magsimula ang impeachment trial. 

Paglilinaw ni Bañas ang mga manunumpa lamang sa Hunyo 3 ay ang mga senador mula sa 19th Congress. 

Dahil nasa Senado na ang bola, kung ano man aniya ang kadahilanan para hindi ito ituloy, ito ay pasya na ng mataas na kapulungan ng Kongreso.

Sa ngayon aniya ay walang natatanggap si Bañas na instruction upang hindi ituloy ang nakaambang paglilitis laban kay VP Sara. 

Samantala, kinumpirma rin ng tagapagsalita ng Senado na pupunta mismo sa Senado ang House prosecution panel para basahin ang articles of impeachment laban kay Duterte. 

Dagdag ni Bañas, hindi madidiskaril ang legislative duties ng mga senador dahil sa umaga nakatakdang simulan ang impeachment at sa hapon naman ang sesyon  ng dalawang kapulungan ng Kongreso.