-- Advertisements --
JUAN PONCE ENRILE 1

Umapela si dating Senate President at kasalukuyang Chief presidential legal counsel Juan Ponce Enrile sa Sandiganbayan na agad na maglabas ng isang resolution sa kaniyang mosyon para ibasura ang plunder case laban sa kaniya.

Sa 4 na pahinang motion for reconsideration, hiniling ni Enrile sa Sandiganbayan 3rd Division na irekonsidera ang resolution nito noong Oktubre na humihiling na maresolba ang kaniyang demurrer to evidence dahil na rin sa kaniyang edad.

Sa mosyon ni Enrile, sinabi nito na sa halip na resolbahin ang kaniyang demurrer to evidence alinsunod sa Rules of Court, inapply ng anti-graft court ang Sandiganbayan Internal Rule nang walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang pagpresenta ng mga depensa ng iba pang mga akusado gayundin nabinbin aniya sa loob ng 9 na taon ang kaso na sinimulan ang trial noon pang June 2014 nang hindi man lang ikinokonsidera ang edad at kalusugan ng akusado.

Nakasaad kasi sa Section 8, rule VIII ng Sangdiganbayan na ang demurrer o pagtutol sa ebidensiya na iprinisenta ng prosekusyon ay maaaring maresolba o mapagpasyahan kasama ang pangunahing desisyon.

Kaugnay nito, iginiit ni Enrile ang kaniyang constitutional right para sa mabilis na paglilitis at pinaalalahanan ang korte ng kaniyang edad na kasalukuyang 99 anyos na gayundin ang kaniyang legal counsel na si Atty. Estelito Mendoza na nasa edad 93 anyos na.

Matatandaan na nag-ugat ang plunder case laban kay Enrile sa umano’y maling paggamit ng P172 million halaga ng kaniyang riority Development Assistance Fund (PDAF), o pork barrel nang ito pa ay nanunungkulan bilang isang mambabatas.