Inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na libre na ang emergency hotline na 911 sa para sa PLDT at iba pang mobile networks.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, ito’y bunsod ng pagtugon ng Smart, Talk N’ Text, at Sun sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbuo ng nationwide emergency hotline.
Kaugnay nito nagpaalala ang kalihim sa mga magtatangka na gumawa ng prank calls.
Giit ni Año, tiyak na paparusahan ang sino mang magloloko at gagawa ng pekeng tawag sa mga otoridad.
Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, sisintensyahan ng limang taong pagkakakulong at multang P40,000 ang sino mang mapapatunayang guilty sa paglabag nito.
“Pasensyahan po tayo, kapag kayo po ay aming nahuli, kayo po ay mapaparusahan. May mga kababayan po tayong nangangailangan ng tulong na maaaring hindi kaagad ma-respondehan dahil sa mga prank calls na ito.”
Sa ngayon, isinasapinal na raw ng Globe Telecom ang kanilang technical validation alinsunod din sa utos ng pangulo.