Labis na ikinatuwa ng Malacañang ang pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey kung saan lumalabas na 91 percent ang approval rating ng mga Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Isinagawa ang survey nito lamang September 14 hanggang 20 at mas mataas ito kumpara sa 87 percent na naitala noong nakaraang taon sa kaparehong buwan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagpapasalamat sila sa tiwalang ito mula sa publiko.
Ayon kay Sec. Roque, sinasalamin ng survey na nakikita ng mga Pilipino na ginagawa ni Pangulong Duterte ang lahat para sa taongbayan sa gitna ng pandemya.
Ang pangako naman talaga umano ni Pangulong Duterte ay iahon ang lahat sa hirap na idinulot ng pandemic, taga-suporta man niya o hindi.
Inihayag ni Sec. Roque na nakikita rin ng publiko na hindi namumulitika si Pangulong Duterte sa panahong ito at nananatili ang pangwagan ng chief executive sa mga kapwa niya pulitiko na isantabi muna ang pulitika at tumulong muna sa laban ng bansa sa COVID-19.