Nakabalik na sa kanilang tahanan ang 90 porsiyento ng pamilya sa Marikina City na lumikas nang manalasa ang Bagyong Ulysses, ayon kay Mayor Marcelino Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na nasa 10,500 pamilya sa Marikina ang lumikas noong Nobyembre 12 dahil sa bagyo, na nagresulta sa matinding pagbaha sa lungsod.
Sa ngayon, nasa 1,050 pamilya na lamang aniya ang nananatili sa ngayon sa mga evacuation centers.
Patuloy naman ang ginagawang clearing operations ng pamahalaang lungsod sa iniwang putik at debris ng bagyo, ayon kay Teodoro.
Nasa 45 percent pa lamang aniya sila sa kanilang ginagawang clearing operations ngayon sa lungsod.
Gayunman, ang mga pangunahing kalsada naman ay cleared, at isusunod na rin ang mga secondary roads at interior alleys sa mga komunidad.