-- Advertisements --

Pinauwi na ng Bureau of Immigration (BI) sa Japan ang siyam na puganteng Japanese na wanted sa multi billion telecommunications fraud.

Ang mga suspek na sina Matsuoka Shunjiro, Haga Kenji, Yoshizawa Shinichi, Takeda Tasuya, Araki Toshiya, Ogawa Takuma, Hiramura Takashi, Kiya Yasuke at Ichimura Shuichi ay sumakay sa isang flight at umalis sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang mga pugante ay sinamahan ng mga Japanese police hanggang sa makarating ang mga ito sa Narita.

Sinasabing ang siyam ay napaulat na sangkot sa telecom fraud at extortion at naaresto sa isang hotel sa Makati City noong November 2019 sa pamamagitan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.

Una rito, target ng naturang operasyon ang dalawang pugante pero nang isagawa ang operasyon ay nasa 34 ang nahuli na sangkot sa naturang modus.

“They were involved in voice phishing and telephone fraud operations that targeted Japanese,” ani Morente.

Lumalabas din sa report na aabot sa dalawang bilyong yen o katumbas ng halos P1 billion ang nakulimbat ng mga suspek sa kapwa nila Japanese.

Una rito, 10 sa mga gang member ang pinauwi na rin ng BI sa Tokyo para harapin ang kanilang kaso.

Ang naturang mga banyaga ay inilagay na sa blacklist ng BI at hindi na papayagan pang makapasok sa bansa.