-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy na pinaghahanap ng otoridad ang anim na miyembro ng isang pamilya matapos tangayin ng rumaragasang tubig sa ilog ng Brgy. Pasayan, Batad, Iloilo.

Kinilala ang mga biktima na sina Roel De Asis, 40, at mga anak nito na sina alyas Muymoy, Nene at Yanyan.

Pati na ang mga pamangkin nito na sina alyas Angga at Dagol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo sinabi ng kapitbahay na si Adonis Hablona, na pupunta sana sa evacuation center ang naturang pamilya.

Pero bigla umanong tinangay ng rumaragasang tubig ang anim sa mga ito.

Nakaligtas naman ang dalawa sa kanila na sina Alma De Asis, tiyahin ni Roel at alyas Boots na nakitang nakasampa sa kawayan.

Samantala, dalawang bata rin ang patuloy na pinaghahanap matapos tangayin ng tubig-baha sa Sitio Nabitasan, Brgy. Poblacion, Balasan.

Sa Lungsod naman ng Passi, isang taxi driver na kinilalang si Jerald Maming,26, ang patuloy na pinaghahanap matapos inanod ng tubig habang papatawid sa ilog sa Brgy. Agtambo sa nasabing lugar.