-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Isinailalim sa culling ang 54 na baboy sa Solana, Cagayan matapos na magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang ilang baboy doon.

Sinabi ni Dr. Noli Buen, acting veterinarian ng provincial government ng Cagayan, agad silang gumawa ng aksyon matapos na makumpirma sa pagsusuri mula sa blood sample ng baboy doon positibo ito sa ASF.

Idinagdag pa ni Buen na siyam na barangay sa Solana ang apektado ng ASF na kinabibilangan ng Bauan East, Andarayan South, Andarayan North, Bantay, Ubong, Bangag, Sampaguita, Lanna at Pataya.

Iminungkahi din ng beterinaryo na bukod sa mga quarantine checkpoints ay isinama na rin ang mga marines na magbabantay sa mga ilog na posibleng gamitin din para ibiyahe ang mga alagang baboy.

Aniya, ito raw ay para matiyak na walang makakalabas at makakapasok na buhay na baboy at pork products sa Solana at hindi na kumalat pa ang sakit sa buong Cagayan.

Kaugnay nito, sinabi ni Bueno na inaasahan na sa susunod na linggo ay malalaman na ang resulta ng blood samples ng ilang baboy sa ilang lugar sa Sto. NiƱo at Amulung na may iniulat din na namatay na mga baboy.