Nasa 86% ng mga pinoy o 9 mula sa 10 adult Filipino ang nakikitang problema sa bansa ang paglaganap ng “fake news” ayon sa lumabas na latest survey ng Pulse Asia.
Sa isinagawang survey mula noong September 17 hanggang 21, lumalabas na pinakamrami sa mga respondents ang naniniwalang problema ang fake news sa Balance Luzon na nasa 92%, sinundan ng National Capital Region (87%), Mindanao (81) at sa Visayas (77%).
Tanging nasa 14% ng mga respondent sa buong bansa naman ang hindi nakikita na isyu o problema sa bansa ang kumakalat na fake news.
Sa naturang survey, majority ng adult population ng bansa na nasa 90% ang nagsabi na madalas na nangungunang source ng fake news hinggil sa gobyerno at politics ay mula sa internet o social media na nasa 68% at television (67%).
Liban pa dito, base sa survey na nakakabasa at nakakarinig sila ng fake news sa mga media platform gaya ng radyo (32%), friends/ acquaintances (28%), family/ relatives (21%), leaders sa community (4%, newspaper o pahayagan (3%) at sa religious leader (1%)
Lumalabas din sa naturang survey na sinisisi na responsable sa pagpapakalat o top source ng fake news ang mga social media influencers, bloggers, o vloggers na nasa 58%.
Isinagawa ang naturang survey sa 1,200 respondents ayon sa Pulse Asia.
Ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay tinatawag na fake news na lumalawak na problema sa bansa kasabay ng mas lumalawig pa na paggamit ng social media kung saan ang mga content ay hindi agarang nabe-verify.
Una rito, sa nagdaang national elections ngayong taon, naobserbahan ng ilang fact-checkers ang kapansin-pansing pagtaas ng paglaganap ng fake news target ang ilang mga tumakbong kandidato.