-- Advertisements --

Humigit-kumulang 85% ng vote counting machines (VCMs) ang nakatapos ng final testing at sealing sa ngayon bago ang halalan bukas Mayo 9 ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na hindi bababa sa 90,305 o 85% ng mga VCM ang matagumpay na sumailalim sa final testing at sealing.

Aniya ngayon araw gagawin ang final testing at sealing ng natitirang 15% VCMS.

Dagdag pa nito na sa 106,174 [VCMs], nasa 90,305 ang natapos na sa final testing at sealing kung saan equivalent ito sa 85%.

Samantala, sinabi ng acting Comelec spokesperson na mayroon ding maliit na porsyento ng mga may sira na SD card na naiulat noong Sabado ng gabi.

Nauna nang iniulat ng Comelec na may kabuuang 790 VCMs ang nakitang defective, na wala pang 1% ng kabuuang bilang ng VCMs.

Gayunpaman, hindi bababa sa 233 VCM ang napalitan noong Sabado.

Samantala, hindi bababa sa 143 SD card ang nakitang defective, ngunit 107 pa lamang ang napalitan sa ngayon.

Nagsimula noong Mayo 2 ang panghuling testing at sealing ng mga VCM.