Sinalubong nang pagbubunyi at palakpakan ang paglabas umano ng ospital ni dating Senator John Henry “Sonny” Osmeña makaraang gumaling sa coronavirus.
Sinasabing umabot din ng 20 araw ang pananatili nito sa isang ospital sa lungsod ng Cebu.
Sa larawan na nakalathala sa Facebook page ni Toledo City Community Affairs and Development Officer Ferliza Contratista at kuha ni John Noel Zerna Divinagracia, makikitang kumakaway ang dating senador sa mga supporters at hospital staff matapos ma-discharge sa ospital.
Ang 84-anyos na dati ring naging mayor ng Toledo City ay naging senador noong taong 1971 hanggang 1972, 1987 hanggang 1995, at 1998 hanggang 2004.
Isa naman sa dating nakasama sa Senado ni Osmeña na si dating Sen. Heherson Alvarez ay pumanaw dahil sa COVID-19.
Samantala ang siyudad ng Cebu ang nangunguna ngayon sa Pilipinas na may pinakamaraming kaso na umaabot na sa 5,126 ang mga COVID-19 cases.