Lumalabas sa bagong data ng Department of Health (DOH) na 83-percent ng halos 20,000 indibidwal na sumailalim sa COVID-19 testing ang nag-negative.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mula noong Enero ay 23,678 tests na ang ginawa ng ahensya, sa pamamagitan ng mga accredited na laboratoryo at pasilidad sa bansa na humahawak ng COVID-19 testing.
“Nais naming ipaalam na sa lahat ng tinetest for COVID-19, 83 percent ang nagreresulta ng negatibo,” ani Vergeire.
Kasama na raw sa bilang na ito yung mga inulit na test ng mga nag-positibo.
Sa kabila nito, ayaw pang magpakampante ng DOH dahil kung si Sec. Francisco Duque raw ang tatanungin hindi pa pwedeng luwagan ng pamahalaan ang mga ipinatupad na measures kontra COVID-19.
Sa mga nakalipas na araw, tumaas pa ang bilang ng death cases.
At nitong Linggo, pumalo pa sa 152 ang total number ng mga namatay dahil sa walong bagong binawian ng buhay.
Ang recoveries naman ay nananatiling mababa sa 64, na bunsod ng pitong nadagdag.
Habang ang mga nag-positibo sa sakit ay umabot na sa 3,246 dahil sa 152 na bagong kaso.