-- Advertisements --

Pumalo na sa 81 na indibidwal ang naiulat na nasawi sa paghagupit ng Bagyong Ompong kung saan 66 dito ay naitala sa Cordillerra Region.

Batay sa bagong datos na inilabas ng Philippine National Police-National Operational Center (PNP-NOC), umakyat na rin sa 71 ang sugatan habang 70 ang missing o nawawala.

Nasa 365 na indibidwal naman ang na-rescue ng mga pulis sa paghagupit ng Bagyong Ompong.

Sa ngayon, 231 pang mga lugar ang lubog sa tubig-baha partikular sa Region 1 at Region 3 ngunit wala nang indibwal ang stranded sa mga pantalan.

Samantala, idinipensa ni PNP Chief Oscar Albayalde ang kanilang datos sa mga fatalities at casualties na binabase lamang nila sa nire-report sa kanilang sariling command post.

Sa kabilang dako, hindi pa pinapadala ng PNP ang kanilang mga eksperto mula sa crime laboratory ngunit maaari aniya nilang gawin ito sakaling kailaganin ng pagkakataon.

Halimbawa ay para sa mga bangkay na sadyang hindi na makilala at tanging sa DNA analysis na lang matutukoy.

Bagama’t may mga tauhan na ng Scene of the Crime Operatives na umaalalay, maaari raw nilang ipadala ang mga miyembro PNP crime lab mula sa national headquarters.

Dagdag pa ni Albayalde na hindi magiging mahirap sa mga otoridad na matukoy ang mga identity ng mga nakikitang bangkay, dahil mismong mga kaanak na ng mga ito ang kumikilala.