Aabot na sa 8,643 na trabaho ang bukas sa online platform na inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) para sa programa nitong BAYANIHANAPBUHAY.
Sa Facebook post ng tanggapan, nakasaad na may 117 kompanya nang nakipag-partner sa OVP para bigyang tulong ang mga kababayan na naghahanap ng trabaho sa gitna ng krisis ng pandemya.
“Naging posible ito dahil sa 117 pa na kumpanya na tumugon sa ating panawagan sa pagbabayanihang ito para sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.”
Sa ngayon may 4,350 indibidwal na raw ang nagsumite ng kanilang mga aplikasyon sa Sikap.PH, ang website ng programa.
Patuloy naman ang panawagan ng OVP sa iba pang naghahanap ng trabaho na bisitahin ang website para sa libreng access sa mga naka-post na job openings.
“Nagagalak din tayong ibalita na umabot na sa 4,350 ang bilang mga kababayan nating nagsumite ng kanilang mga aplikasyon sa Sikap.PH para sa mga trabaho sa iba’t ibang industriya.”
“Para naman sa mga employers na nais lumahok sa inisyatibong ito, ipadala lamang ang inyong mga detalye sa bayanihanapbuhay@ovp.gov.ph.”