CAGAYAN DE ORO CITY – Nababahala ang Philippine Consulate General sa New York sa posibilidad na madadagdagan pa ang bilang ng mga Pinoy na mamatay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Estados Unidos.
Ito ay matapos na kumpirmahin ni Philippine Consulate Deputy Consul General Kerwin Tate na umakyat na sa walong Pilipino sa New York ang nasawi dahil sa nasabing sakit.
Ngunit, hindi na nagbibigay pa ng karagdagang impormasyon si Tate tungkol sa mga Pilipinong binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Tate sa Bombo Radyo na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang mabigyan ng ayuda ang mga apektadong OFW.
Nilinaw naman nito na nagtutulungan ang Filipino community at konsulada sa pagbibigay tulong sa kanilang mga kababayan.
Napag-alaman na ang Filipino community sa New York ay isa sa mga pinakamalaking grupo ng Pinoy sa Amerika.
Aabot sa 143,000 na Pilipino ang nakabase doon.