LAOAG CITY – Sabay-sabay na tumakas ang walong menor de edad na may kasong kriminal na nasa kustodiya ng Bahay Pag-asa sa Brgy. 48A Cabungaan sa lungsod ng Laoag.

Ayon kay Mrs. Perlita Cabello, head ng City Social Welfare and Development sa lungsod, habang nanonood ng fireworks ang mga suspek at ang iba ay nag-iihaw para sa kanilang medya noche ay bigla na lang lumabas at tumakas ang mga ito.

Sinabi ni Cabello na iisang social worker at ang guwardya ang nagbanbatay sa Bahay Pag-asa.

Humaharap ang mga menor de edad sa kasong theft, rape, ilegal na droga, murder at iba pa.

Dagdag nito na posibleng plinano ng mga menor de edad ang kanilang pagtakas.

Samantala, hindi na naabutan ng pamilya ang kani-kanilang mga anak matapos tumakas sa Bahay Pag-asa sa Bagong Taon.

Ayon sa isang ina na si Mrs. Pizarro na taga Brgy. Navotas sa lungsod, hindi ito makapaniwala sa pagtakas ng 17-anyos niyang anak na limang buwan pa lamang nananatili sa Bahay Pag-asa.

Sinabi niya na wala namang nababanggit ang anak tungkol sa pagtakas nito.

Sa ngayon ay patuloy na hinahanap ng mga social workers, PNP at Civil Security Unit (CSU) ang mga naturang menor de edad.