-- Advertisements --

Aabot sa 8,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa unang tatlong araw ng enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique “Nikki” Tutay, ang naturang datos ay bahagi ng kabuuang 118,210 displaced workers hanggang noong Marso 31.

Inaasahan nilang tataas pa lalo ang naturang bilang matapos na palawigin ng isa pang linggo o hanggang Abril 11 ang ECQ sa mga lugar na napapabilang sa NCR Plus.

Sa ngayon, sinabi ni Tutay na isinasapinal pa nila ang mga programang makakatulong sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa gitna ng mga ipinatutupad na quarantines, na sa ngayon ay aabot na sa mahigit isang taon sa bansa.

Inaalam din nila kung magkano ang kakailangning pondo para sa programang ito.

Magugunita na sa ilalim ng National Employment Recovery Strategy (NERS), sinabi ng pamahalaan na target nilang magkaroon ng 2.4 hanggang 2.8 million trabaho para sa mga Pilipino ngayong taon.

Base sa pinaka-latest data mula sa PSA, lumalabas na umakyat sa 8.8% ang unemployment rate noong Pebrero, katumbas ng 4.2 million na walang trabaho.