-- Advertisements --

Pinasisiguro ni Albay Rep. Joey Salceda sa gobyerno ang kahandaan para masiguro ang kaligtasan ng mahigit dalawang milyong Pilipinong manggagawa sa ibang bansa partikular sa Gitnang Silangan.

Kasunod na rin ito ng tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.

Tinukoy ni Salceda na mahigit 33% ng mga OFW ay nasa Middle East, partikular sa Saudi Arabia at United Arab Emirates.

Punto niya, dapat magsilbing benchmark sa 2026 national budget, partikular ang pondo para sa repatriation efforts, ang P600 million budget na inilaan noong 2020.

Hinimok ni Salceda sa Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs na maglatag ng contingency plans at magmungkahi ng standby funds sa kaparehong halaga upang maprotektahan ang kapakanan ng mga OFW.

Inihayag ni Salceda na nuong January 2020, nasa P600 million ang pondo ng Department of Labor and Employment para sa repatriation at welfare services dahil sa patuloy na tensiyon sa rehiyon.

Giit ng ekonomistang mambabatas na ang nasabing figure ay nananatiling practical benchmark para sa 2026 proposals ng DFA at DMW.