-- Advertisements --

Hindi baba sa walong katao ang nasawi matapos bumagsak ang hot air balloon sa Praia Grande, Santa Catarina, Barzil nitong Sabado ng umaga (local time), ayon sa Gobernador na si Jorginho Mello.

Sa pagtataya ng mga awtoridad nasa kabuuang 21 katao ang sakay ng naturang air balloon, at 13 dito ang nakaligtas kabilang ang piloto.

Ayon sa polisya, nagsimula umano ang sunog sa loob ng basket balloon, kaya’t agad itong binaba ng piloto. Habang papalapit sa kalupaan, inutusan ng piloto na tumalon umano ang mga pasahero ngunit hindi lahat ay nakatalon bago lumaki ang apoy. Dahil sa bigat, muling tumaas ang balloon at tuluyang mabilis na bumulusok pababa na siyang ikinamatay ng iba pa.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang magkasintahan, mag-ina, isang doctor, at isang figure skater. Habang ang mga nakaligtas ay agad na dinala sa mga kalapit na pagamutan.

Sa kabila ng natamong aksidente, itinigil muna ng pamunuan ng kumpanya ang operasyon nito at iginiit na tumalima sila sa lahat ng regulasyon at wala ring kasaysayan ng anumang aksidenteng natamo.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva at tiniyak ang tulong ng pamahalaan para sa mga biktima.

Nabatid na ang Praia Grande ay isang tanyag na destinasyon para sa hot air balloon para sa mga turista sa lugar.