Kinumpirma ni Philippine Ambassador Millicent Cruz-Paredes na ligtas ang walong gurong Pilipino sa insidente ng pamamaril sa isang paaralan malapit sa Bangkok, Thailand nitong Biyernes, Agosto 7.
Ayon sa Philippine envoy, hindi nasugatan ang walong Pilipinong guro sa Debsirin Nonthaburi School sa Nonthaburi province at nasa itinalagang safe zone.
Una rito, nasawi ang pitong katao habang 15 iba pa ang nasugatan sa pamamaril ng 14 anyos na binatilyong suspek.
Ginamit ng suspek ang baril ng kaniyang lolo sa krimen. Lumabas sa imbestigasyon na bago pumunta sa paaralan ay binaril at pinatay muna ng suspek ang kanyang mga lolo at lola sa kanilang tahanan. Kalaunan, pumasok ang suspek sa paaralan nitong umaga at nagpaputok ng higit 26 na bala. Nagdulot ito ng matinding takot at kaguluhan habang nagtatago ang mga mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan.
Base naman sa ilang reports, nabaril at napaslang ng police officers ang menor de edad na suspek habang may iba namang nagsasabing nagbaril ito sa sarili.
Ikinalungkot naman ni Prime Minister Anutin Charnvirakul ang matinding trahediya na aniya’y hindi dapat nangyari sa kanilang bansa.
“It’s such a terrible incident. It should never have happened. How could this happen in our country?,” saad ng Prime Minister sa mga kawani ng media sa Bangkok’s Government House.










