Inihayag ni Department of Transportation Sec. Jaime Bautista na mayroon nang walong grupo ang nagpahayag ng interes para sa rehabilitation project sa Ninoy Aquino International Airport.
Ito ang iniulat ng kalihim mahigit isang buwan bago ang itinakdang deadline nito sa darating na Disyembre 27, 2023.
Ayon kay Bautista, ang naturang mga prospective bidders ay pawang nagsibili na ng kanilang mga bid documents ukol dito.
Samantala, gayunpaman ay sinabi rin ng opisyal na sa kabila ng halos higit isang buwan bago ang deadline nito ay hindi na niya inaasahan pa na madagdagan ang grupo na magnanais na lumahok para sa bidding naturang rehab project sa NAIA.
Ito ay sa kadahilanang maaari na kasi aniyang kulangin sa oras ang mga bagong grupong nagnanais na sumali sa bidding para sa rehabilitation, operation, at expansion ng NAIA.
Ang mananalong bidder ng Php170 billion project na ito ay nakatakdang ianunsyo sa unang bahagi ng susunod na taon at bibigyan ng 15 taon para ma-rehabilitate ang naturang airport passenger terminals at airside facilities.