-- Advertisements --

Inatras ng Sandiganbayan ang walong counts ng kasong falsification of documents laban kay Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao Mayor Datu Sajid Islam Uy Ampatuan.

Kaugnay ito ng maanomalya umanong paggawad ni Ampatuan ng P77-milyong halaga ng construction at lumber materials sa apat na suppliers habang nakaupo noon bilang gobernador.

Batay sa 13-pahinang resolusyon ng 6th Division, sinabi ng korte na hindi sapat ang mga ebidensyang ipinresenta ng prosekusyon para madiin sa kaso ang dating governor ng Maguindanao.

Kinatigan ng korte ang demurrer to evidence o mosyon ni Ampatuan na nagpapabasura sa kanyang kaso nang hindi nangangailangan maglabas ng ebidensya ang panig ng depensa.

“There is nothing in other documents, or in the testimonies of the prosecution’s witnesses, that would establish how accused Ampatuan participated in the alleged falsification in SB-17-CRM-0898 to 906. Therefore, such evidence is insufficient to support a verdict of guilt inside cases insofar as accused Ampatuan is concerned.”

Ayon sa anti-graft court, hindi napatunayan ng salaysay ng prosecution witnesses na sina Mila Lopez at Arnel Pascual ng Commission on Audit ang partisipasyon ni Ampatuan sa reklamo.

Paliwanag ng korte, hindi nag-issue ng business permit ang municipal mayor noong ng Parang, Maguindanao sa sinasabing non-existent suppliers, na taliwas sa testimonyang ibinayad sa mga ito ang P77-milyong government contract.

Hindi rin daw pumirma si Ampatuan kahit naka-print ang pangalan nito sa mga nilabas na Disbursement Vouchers, Purchase Requests at Purchase Orders.

Kasalukuyang sinisilbihan ni Ampatuan ang 90-day preventive suspension nito para sa hiwalay namang kaso na malversation at P98-million graft.