Nagbabala ang Cybercrime Investgation and Coordinating Center na may namonitor itong walong pekeng eTravel websites sa bansa na nangingikil ng pera sa mga biktima nito para makakuha ng travel pass.
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center, modus ng mga ito na maningil ng hanggang Php5,000 sa mga biktima nito para makakuha ng travel pass na libre namang ibinibigay ng gobyerno.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ngayon ng CICC ang mga salarin sa likod ng mga pekeng eTravel websites na ito upang alamin ang mga ito ay Pilipino o dayuhan.
Batay kasi sa mga impormasyong nakalap ng naturang ahensya, ang mga ito ay nakabase sa labas ng Pilipinas kung saan napag-alaman din na isa sa mga ito ay nasa Spain.
Kasalukuyan nang ginagawa ng kagawaran ang lahat para i-block ang mga ito upang hindi na makadali ng mga mabibiktimang patungo sa Pilipinas.
Samantala, pinaplano naman ngayon ng CICC na maghain ng reklamo laban sa mga platform na nagho-host ng mga pekeng eTravel website na ito dahil mayroon silang mga regulasyon upang kanselahin ang isang account na lumalabag sa batas.