-- Advertisements --
image 460

Umapela ng mas mababang parusa ang walong gang member sa Bilibid na akusado sa pagpatay kay Jun Villamor na inmate at umano’y middleman sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ito ay matapos na umaming guilty bilang kasabwat sa krimen sina Mario Alvarez, Christian Ramac, Ricky Salgado, Ronnie Dela Cruz at Joel Reyes habang umaming guilty naman bilang accessory sa pagpatay sina Alvin Labra, Aldrin Galicia at Joseph Georfo.

Sina Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz, at Reyes ay senentensiyahan ng anim na taon at isang araw na minimum prison mayor hanggang 14 na taon at isang araw na reclusion temporal bilang maximum.

Habang sina Labra, Galicia, at Georfo ay sinentensiyahan ng dalawang taon, apat n abuwan at isang araw na prison correctionsl hanggang 8 taon at isang araw ng prison mayor.

Ipinag-utos din ng korte kina Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz, at Reyes na magbayad sa private complainant ng kabuuang P225,000 para sa pinsala.

Iniutos din kina Labra, Galicia, at Georfo na magbayad sa Private complainant ng kabuuang P150,000 para sa pinsala.

Nakasaad sa dokumento mula sa Regional Trial Court Branch 206 sa Muntinlupa City na itinanong ng korte mula sa prosekusyon at private complainant kung payag ang mga ito para sa proposal ng mga akusado na umapela para sa mas mababang parusa laban sa kanila.

Ayon naman sa prosekusyon na magbibigay ito ng consent sa proposal para sa plea bargaining kapag lahat ng akusado ay papasok sa isang stipulation of facts.