-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Sabado ang pagpapalaya sa 78 Pilipino na naunang nakakulong sa Myanmar dahil sa mga paglabag sa immigration laws.

Ayon sa DFA, ang mga Pilipino ay nabiktima umano ng human trafficking at dinala upang magtrabaho sa mga scam center sa ibang bansa.

Nahuli sila at nakulong dahil sa illegal entry at residency violations.

Ang kanilang pagpapalaya ay naging posible umano dahil sa isang “compassionate and humanitarian gesture” ng mga awtoridad sa Myanmar kasabay ng pagdiriwang ng Thingyan o Burmese New Year festival.

Nagpahayag ng pasasalamat ang DFA sa gobyerno ng Myanmar, na sumasalamin sa magandang ugnayan ng dalawang bansa.

Kasalukuyan namang inaasikaso ng Philippine Embassy sa Yangon, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na awtoridad, ang maayos at ligtas na pagbabalik ng mga naturang Pilipino sa Pilipinas.

Muling iginiit ng DFA ang kanilang pangako na protektahan ang mga Pilipino sa abroad, kasabay ng patuloy na koordinasyon sa Department of Migrant Workers at iba pang ahensya upang tugisin ang mga ilegal na recruiter na nasa likod ng human trafficking.