CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang drug clearing operations sa natitirang 77 barangay sa Region 2 na hindi pa nalilinis sa iligal na droga.
Sa naging pagsasalita ni Lt.Gen. Rhodel Sermonia, PNP Deputy Chief for Administration sa kanyang pagdalaw sa Isabela kasabay ng isinagawang “Buhay Ingatan Droga Ayawan” (BIDA) Caravan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kanyang sinabi na ang mga kababaihan ang pinaka-biktima o vulnerable sa illegal na droga.
Marami anyang mga kababaihan ang nagagahasa dahil sa illegal na droga at mayroon ding mga nabubuntis.
Malaki anya ang maitutulong ng mga kababaihan sa pagsugpo sa iligal na droga sa pamamagitan ng hindi paggamit ng droga at maging law abiding citizen.
Kapag ang ina o ate sa pamilya ay hindi nagdo-droga ay tiyak na magiging magandang ehemplo sa mga anak o nakababatang mga kapatid.
Sinabi pa ni Lt.Gen. Sermonia na sa buong Region 2 na binubuo ng 2,311 barangays ay may 77 na barangay na lamang ang hindi pa nalilinis sa illegal na droga.
Sa Isabela na may 1,018 barangay ay 3 barangay na lamang ang hindi pa drug clerared.
Umaasa siya na sa lalong madaling panahon ay magiging drug cleared na ang buong isabela.