LEGAZPI CITY – Hindi na nagawang mailigtas sa kamatayan ang isang 72-anyos na babae matapos na malunod sa irrigation canal sa Purok 1, Brgy. San Pedro, Bacacay, Albay.

Kinilala itong si Victoria Bermejo na isa nang balo.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi News Team mula sa Albay Police Provincial Office, dakong alas-8:20 kaninang umaga nang magpaalam ito sa anak na babae na maglalaba sa irrigation canal.

Tangan pa umano nito ang mga basahan nang magtungo sa kanal na nasa 200 metro ang layo mula sa bahay.

Ilang minuto lamang ang lumipas, nagulat ang driver ng water tanker na si Barcenas ng makita ang isang babaeng palutang-lutang sa tubig.

Kumukuha ito ng tubig sa kanal sa may tulay sa pagitan ng Brgy. San Pedro at Vinisitahan nang mamataan ang babae.

Nagtulong-tulong naman ang mga barangay tanod na maiahon sa tubig si Bermejo na tinangay pa ng agos sa hanggang 300 metro.

Isang nurse mula sa Bacacay Rural Health Unit ang napadaan sa lugar at tinangkang sagipin ang babae subalit wala na itong buhay.

Nabatid naman na dati nang may iniindang sakit na hypertension si Bermejo.