Nakamit na umano ng pamahalaan ang target nito makapag-fully vaccinate ng nasa 70 milyon na mga Pilipino sa buong bansa.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng kanilang bakunahan program lalo na ngayong dalawang linggo na lamang ang natitira bago ang tuluyang pagbaba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang tungkulin.
Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ay makikita na mayroon ng kabuuang 70,005,247 na mga indibidwal ang nakatanggap na ng kumpletong bakuna na may katumbas naman na 77.8% ng target population ng pamahalaan.
Sa datos ay makikita na pumalo na sa 153,013,072 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal ang nabakunahan na, habang 74,813,407 dito ay ang mga Pilipino naman na isang dose palang ng bakuna ang natatanggap.
Ayon kay National Task Force (NTF) chief implementer Carlito Galvez, ang tagumpay na ito na nakamit ng bansa ay bahagi aniya ng kanilang regalo sa susunod na administrasyon.
Ito ang dahilan kung bakit umaasa siya ngayon na pahahalagahan at ipagpapatuloy ito ng susunod na administrasyon para sa kaligtasan ng taumbayan.
Samantala, muli namang binigyang-diin ni Galvez ang kahalagahan ng mahigpit ng pagsunod sa mga minimum health protocols at gayundin ang pagpapabakuna pa ng booster shot upang mapanatiling mabisa ang proteksyon ng naunang series ng mga bakuna at para matiyak at maiwasan na rin ang muling pagkakaroon ng panibagong surge ng COVID-19 sa bansa.