-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinaniniwalaang pitong sundalo ang patay matapos na sumalpok ang kanilang service vehicle sa isang cement truck mixer sa bayan ng Uson sa lalawigan ng Masbate.

Kinilala ang mga nasawi na sina Sgt. Bernardino Kyamko Jr., driver; Private 1st Class Elizer Lahoy-lahoy; Private 1st Class Venzelle Gumba; Private 1st Class John Mark Aragon; Private 1st Class Ardie Rabi; Private 1st Class Christian Badong, at Private 1st Class Rodgen Palapar pawang mula sa 2nd Infantry Battalion.

Maliban kay Palapar na namatay habang ginagamot sa ospital, dead on the spot naman ang anim na mga sundalo.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, napag-alamang nanggaling sa Barangay Baclay sa bayan ng Milagros ang military truck patungo sa kanilang detachment sa Brgy. Paguihaman, Uson upang mag-deliver ng supplies nang biglang sumabog ang kaliwang gulong ng kanilang sasakyan.

Dahilan nito, nawalan umano ng kontrol ang driver hanggang sa bumangga sa nakaparadang cement mixer truck sa tabi ng kalsada.

Lulan ng Army vehicle ang 14 na military personnel nang mangyari ang aksidente.

Samantala, nagtamo naman ng pinsala ang pitong iba pa.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang aksidente.