Nasa 7 na katao ang kumpirmadong namatay habang mahigit 700 naman ang nasugatan sa pagtama ng magnitude 7.5 na lindol sa Taiwan na itinuturing na pinakamalakas na lindol na tumama sa naturang teritoryo sa nakalipas na 25 taon o mula noong 1999.
Ayon sa gobyerno ng Taiwan, ang mga nasawi ay mula sa mabundok at hindi gaanong matao na eastern county ng Hualien na episentro ng pagyanig.
Iniulat din na mayroong 26 na mga gusali ang gumuho kung saan 20 katao ang na-trap at nagpapatuloy rin ang ginagawang mga rescue operation.
Nag-isyu na rin ang Taiwan ng tsunami warning subalit wala namang naitalang pinsala sa posibleng tsunami.
Ayon naman sa Taiwan central weather administration, mahigit 25 aftershocks na ang naitala matapos ang malakas na pagyanig.
Inihayag naman ng Taipei City government na walang napaulat na malaking pinsala at balik-operasyon din kalaunan ang MRT sa siyudad. Wala ring nasugatan sa mga nakasakay sa tren nang tumama ang lindol.
Base naman sa Electricity operator na Taipower, mahigit 87,000 kabahayan sa Taiwan ang nawalan ng suplay ng kuryente bagamat hindi naman naapektuhan ang 2 nuclear power stations ng Taiwan.