CAUAYAN CITY – Tiniyak ng City Health Office ng Santiago City ang paglalaan ng isang araw na pagsasagawa ng malawakang paglilinis sa Santiago City dahil sa mga naitatalang kaso ng dengue.
Batay sa pagsusuri ng Epidemiological Surveillance Team ng CHO maraming lugar ang maaring pamahayan ng lamok na may dalang dengue.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo City Health Officer, sinabi niya na bagamat nasa 7 kaso lamang ang naitatala ng tanggapan sa sakit na Dengue ngayong linggo, hindi aniya maaring maging kampante ang publiko.
Hindi naman umano ito nakakabahala basta magpatuloy lamang sa paglilinis sa kapaligiran ang mga residente.
Imumungkahi umano ng kanilang mga tanggapan ang pagsasagawa ng malawakang paglilinis upang magkaroon ng inisyatibo ang iba pang mga residente at mga indibidwal sa paligid ng kanilang mga bahay.