Arestado ng mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG) ang pitong Chinese sa isinagawang rescue operations sa Subic Bay Freeport Zone.
Kinilala ni PNP AKG Spokesperson Lt. Col. Joel Saliba, Spokesperson ng AKG, ang 7 suspek na sina: Tang Rui Ting, Zhan Yang Feng, Chen Yi Ben, Xiang Quing, Shi Rui Long, Zhang Xiao Long at Wu Fan.
Ayon kay Saliba, naaresto ang mga suspek nitong Sabado, November 2.
Base sa imbestigasyon, dating nagtatrabaho bilang personnel assistant sa Exkinum Corporation ang biktimang si Ming Xuangbo.
Nag-resign ito bilang empleyado nang mapag-alamang ilegal pala ang kumpanya pero hindi siya pinayagang makalabas hangga’t ‘di magbabayad ng 19,000 RMB.
Ang pag aresto sa pitong banyaga ay matapos magpasaklolo ang kaibigan ng biktima sa mga pulis.
Nakatawag pa kasi si Xuangbo noong gabi ng November 1 na ayaw siya pakawalan ng mga kasamahan sa trabaho.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention.