LA UNION – Hindi papayagang makapagpasada ang pito mula sa 334 na empleyado ng ilang bus company na natuklasan ng mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na positibo sa paggamit ng bawal na gamot.
Ito’y sa pamamagitan ng isinagawang spot drug screening sa La Union bago ang paggunita sa Todos Los Santos.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PDEA Regional Office-1 spokesperson Bismark Bengwayan, sinabi nito na nais nilang matiyak na magiging ligtas ang mga pasahero mula sa mga bus driver at conductor na gumagamit ng droga.
Ayon kay Bengwayan, kailangang sumailalim sa drug rehabilitation ang mga nasabing empleyado at ipapaubaya na rin nila sa transportation office ng pamahalaan ang maaaring kahihinatnan ng mga ito.
Sabi pa ng tagapagsalita ng PDEA, nagpapatuloy ang tinatawag nilang Oplan Harabas o spot drug screening sa iba’t-ibang lugar sa Ilocos Region bago at hanggang matapos ang paggunita ng Araw ng mga Patay.