LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang pitong katao matapos na maaktuhan ng mga otoridad na nagsusugal sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay.

Kinilala ang mga nahuli na sina Jane Flores, Josie Roaring, Mark Anthony Lovendino, Wilma Acbang, Jessa Delos Santos, Maria Cecilia Luvendino at Ma. Adelfa Ariola.

Sa panayam ng Bombo Radyo legazpi kay Pol. Maj. Edgar Azotea ang hepe ng Polangui PNP, matagal na umanong minomonitor ang mga suspek sa nasabing barangay na inirereklamo ng mga residente dahil sa palagian na pagsusugal hanggang madaling araw.

Ayon kay Azotea, makailang ulit na rin itong pinagsabihan ngunit hindi pa rin tumutigil sa iligal na pagsusugal kung kaya’t isinagawa na ang operasyon.

Samantala, pinaghahanap pa ng mga otoridad ang isa pang suspek na mabilis na nakatakas sa kalagitnaan ng operasyon.