-- Advertisements --

Mayorya ng mga Pilipinong ang naniniwala na nasa right track o tamang landas ang Pilipinas base sa isinagawang “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research noong Disyembre 2023 na inilabas ngayong araw.

Kung saan 64% ng mga Pilipino ang nagsabing nasa tamang direksiyon ang PH pagdating sa mga polisiya, programa at aksiyon na ginagawa ng kasalukuyang administrasyon.

Ito ay 2 percentage point na mas mataas kumpara sa 62% na naitala noong Oktube 2023.

Ayon sa report ng OCTA, ito ang unang pagkakataon na naobserbahan ang pagtaas sa positibong pananaw sa landas na tinatahak ng bansa mula noong Oktubre 2022.

Ang pinakamalaking bilang ng mga Pilipino o 91% na naniniwalang nasa tamang direksiyon ang bansa ay mula sa Metro Manila habang pinakamababa naman sa Balance Luzon na nasa 57%.

Samantala, nasa 21% naman ng mga Pilipino ang naniniwala na nasa maling direksiyon ang bansa.

Isinagawa ang naturang survey sa 1,200 respondents sa iba’t ibang panig ng bansa na mayroong  ±3 percent margin of error.