LEGAZPI CITY – Nakapagtala ng 62 volcanic earthquakes ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon mula Mayo 7, batay sa ibinabang abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Paglilinaw naman ng PHIVOLCS volcanologist na si Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang indikasyon ng pag-akyat ng magma sa ngayon.
Nagkaroon lamang aniya ng pag-adjust ang bulkan, dahilan upang makapagtala ng volcanic quakes ang kumukulong tubig sa ilalim na tumatama sa mainit na mga bato.
Nakapag-detect din ng inflation o pamamaga batay sa ground deformation data.
Samantala, nananatiling nasa alert level 0 o normal status ang bulkan subalit hindi naman inaalis ang posibilidad nang biglaang phreatic eruption.
Kaya’t abiso sa publiko na iwasan ang pagpasok sa 4km permanent danger zone ng bulkan.