Tuloy na ang paghati sa probinsiya ng Maguindanao sa dalawa matapos manaig ang botong “oo” sa isinagawang plebesito roon ng Commission on Elections (Comelec).
Dumalo sa proklamasyon ng Comelec sa Buluan sina Governor Bai Mariam Mangudadatu at Vice Governor Bai Ainee Sinsuat, na parehong magiging gobernador ng mga bubuuing probinsya.
Ang bubuuing probinsiya ay magiging Maguindanao Del Norte at Maguindanao Del Sur.
Sinabi ng mga opisyal na sisimulan na ang 60-day transition period para sa paglatag ng gobyerno at pondo para sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Kahapon nang pormal na idineklara ng provincial plebiscite board of canvassers sa Maguindanao na wagi ang mga botong sumusuporta sa paghati ng probinsiya sa Maguindanao Del Norte at Maguindanao Del Sur.
Itinuturing na landslide ang pagkuha ng “yes” ng 706,558 o 99.27 percent ng kabuuang boto habang wala pang isang porsiyento ang bumoto ng “no” o katumbas ng 5,209 boto.
Sa opisyal na resulta ng Comelec, may 8 bayan na naitalang may zero o walang boto para sa “no.”
Kabilang na rito ang Ampatuan, Pagagawan, Paglat, Mamasapano, Datu Anggal Midtimbang, Datu Abdullah Sangki, at Shariff Saydonah Mustapha at Talayan.
Ang mga nabanggit na lugar ang papasok sa Maguindanao del Sur.
Sa Datu Odin Sinsuat naman na magiging kapitolyo ng Maguindanao Del Norte, may isang boto lang para sa “hindi.”
Ayon sa Comelec, umabot sa 86.93 percent ang voter turnout sa plebesito o 711,767 mula sa 818,790 botante.
Itinuturing ito ng Comelec na pangalawa sa pinakamalaking porsiyento na turnout sa plebisito sa Pilipinas.
Nangunguna pa rin ang turnout sa plebesito ng pagbuo sa probinsya ng Compostela Valley noong 1998 na may 89.73 porsiyento.