Nasawi ang hindi bababa sa anim na katao matapos sumiklab ang sunog sa isang 10-palapag na apartment building sa lungsod ng Antwerp, Belgium, nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, tinatayang nasa 200 katao ang naninirahan sa naturang gusali. Agad na rumesponde ang mga bumbero, pulisya, at iba pang emergency responders upang ilikas ang mga residenteng na-trap sa loob ng gusali.
Ikinuwento ng ilang nakaligtas na nawalan muna ng kuryente bago tumunog ang fire alarm. Gayunpaman, makalipas lamang ang ilang minuto ay makapal na ang usok na ang makikita sa mga pasilyo kaya hindi na sila nakababa gamit ang hagdanan.
Dahil dito, napilitan silang manatili sa loob ng kanilang mga apartment at maghintay ng tulong.
Gumamit ang mga bumbero ng fire ladder at mga lubid upang mailigtas ang mga residenteng naipit sa matataas na palapag at mga balkonahe ng gusali.
Pinayuhan naman ng mga awtoridad ang mga nakatira sa kalapit na lugar na panatilihing nakasara ang kanilang mga pinto at bintana upang maiwasan ang paglanghap ng usok mula sa sunog.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Belgian Prime Minister Bart De Wever sa mga pamilya ng mga nasawi at sa lahat ng naapektuhan ng insidente.
















