-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na na-dismiss na mula sa serbisyo na nasa anim na police officers sa Caloocan City na nanguha umano ng P14,000 cash mula sa isang vendor noong Marso.

Ito ay matapos na mapatunayang guilty ang mga pulis sa kasong administratibo dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Ang anim na police ay natukoy na sina Police Corporals Noel Espejo Sison, Rommel Toribio, Ryan Sammy Gomez Mateo, Jake Barcenilla Rosima, Mark Christian Abarca Cabanilla, at Daryl Calija Sablay ng Caloocan City Police Drug Enforcement Unit.

Kaugnay ng pagkakaaresto sa nasabing mga pulis, sinabi ni NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo na ipagpapatuloy nila ang pag-crackdown sa mga itinatagong iregularidad ng ilang mga personnel sa hanay ng kapulisan.

Una rito, noong Marso habang patungo ang vendor na si Eddi Yuson para bumili ng hapunan para sa kaniyang mga anak nang umano’y kinorner siya ng nasabing mga pulis at ininspeksyon ang kaniyang bag.

Nakita naman sa CCTV footage ang naturang insidente kung saan nakuhanan ang pagalugad ng mga pulis sa wallet ni Yuson at pagpalo sa kaniyang ulo dahilan para maghain ng robbery complaint laban sa police officers.