-- Advertisements --
image 464

Nagpapatuloy ang paghahanap sa anim na kataong nawawala matapos tumama ang landslide sa Lubong Butao, Calanasan, Apayao sa kasagsagan noon ng pananalasa ng nagdaang bagyong Egay sa Northern Luzon.

Ayon kay Gov. Elias C. Bulut Jr., bunsod ng matinding mga pag-ulan sa ilang parte ng kabundukan, lumambot ang lupa at nagdulot ng pagguho at natabunan ang malaking lugar kabilang na ang lokasyon kung saan naninirahan ang mga biktima.

Ayon naman sa isang opisyal mula sa Calanasan, biniberipika pa nila ang pagkakakilanlan ng mga nawawalang indibidwal.

Sa inisyal na listahan, kabilang sa mga nawawala ay ang dalawang kababaihan, isang walong taong gulang na bata at tatlong kalalakihan.

Umaasa pa rin ang mga awtoridad na matatagpuan ang mga nawawalang indibidwal sa kabila pa ng nararanasang mga hamon sa isinasagawang search operation dahil mahirap marating ang lugar, madulas ang daanan at kawalan ng kagamitan para sa clearing at excavation.

May layo ang lugar na pinangyarihan ng landslide na 500 meters hanggang isang kilometro mula sa national road.

Tumutulong na rin ang Philippine Army na nagbigay ng helicopter para sa pagdadala ng mga first responder sa lugar.