CEBU CITY – Nasa ligtas na kalagayan na ang anim na mangingisda mula sa Sta. Fe, Bantayan Island sa Cebu matapos itong mahanap ng kanilang local government unit (LGU).
Ito ay kinumpirma ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) batay sa natanggap nilang ulat mula sa chairman ng nasabing barangay.
Unang napaulat na nawala noong Kapaskuhan ang mga mangingisda na sina Dadang Ofquiera, Ernel Derder, Bordog Pacilan, Bong Ilustrimo, Dodoy Ofquiera, at Wenok Manzanares.
Ayon kay Cebu PDRRMO head Neil Sanchez, nawala ang mga mangingisda matapos nilang iligtas ang naanod na pump boat noong tumama ang Bagyong Ursula sa Bantayan Island.
Dagdag pa ni Sanchez na nagsagawa agad ng search and rescue operation ang LGU at Municipal Disaster Office ng Bantayan upang iligtas ang mga ito.
Samantala, pinayuhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-7 ang mga mangingisda na may maliliit na bangka na huwag munang pumalaot dahil nananatili ang epekto ng Bagyong Ursula sa karagatan ng Central Visayas dahil sa buntot nito.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Lieutenant Jr. Grade Michael John Encina, kabilang ito sa kanilang security measures upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda.