Arestado ang anim na Chinese national na hinihinalang dumukot sa kapwa nila Chinese sa bayan ng Calamba, Laguna,Sabado ng gabi.

Batay sa ulat ng PNP Calabarzon, dinukot umano ng mga suspek ang biktimang Chinese mula sa Makati nitong Pebrero 27 at dinala ito sa isang resort sa Calamba.

Natunton anila ang grupo matapos magsumbong ang isang concerned citizen na narinig niyang humihingi ng tulong ang biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, miyembro ng loan shark gang ang mga suspek.

Modus umano ng grupo na pautangin ng pera at patungan ng interes ang mga Chinese na turista para maglaro ang mga ito sa casino sa Maynila.

Kapag hindi nakabayad ang mga turista, dinudukot umano ang mga ito at hinihingan ng ransom ang kanilang mga kaanak.

Marami na umanong nabiktima ang grupo, subalit, natatakot ang mga biktima na magsampa ng kaso.