Sumuko sa mga tropa ng 4th Marine Brigade sa Luuk, Sulu ang anim na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf.
Ayon kay 4th Marine Brigade Commander Col. Ruben Candelario, pinangunahan ni BGen. Jesus Caldez, commander ng Combat and Service Support Brigade ang simpleng seremonya na ginanap sa brigade headquarters.
Tatlo sa mga sumuko ay galing sa bayan ng Luuk, dalawa mula sa Pata Island at isa naman mula sa Kalinggalang Caluang.
Ang mga sumukong bandido ay nagsilbing coddlers, guide at spotter ng teroristang ASG.
Kasabay ng kanilang pagbabalik loob sa pamahalaan, isinuko ng mga ito ang kanilang mga armas, kabilang na dito ang 2 garand rifle, 3 kalibre .45 pistol at isang kalibre 38 na rebolber.
Ikinatuwa naman ni Col. Candelario, ang pagsuko ng anim na bandido kasabay ng paghikayat sa iba pang rebelde na sumuko.
Siniguro ng opisyal na tutulungan ang anim sumuko na magkaroon ng kabuhayan sa pamamagitan ng livelihood program ng pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Candelario, bukod sa kanilang misyon na panatilihin ang peace and order sa kanilang areas of responsibility, kaisa din ang mga sundalo ng Philippine Marines sa kampanya ng pamahalaan para labanan ang namamatay na virus ang Covid-19.
Nakikipag-ugnayan din sila sa mga local health officials sa nasabing probinsiya.