Mahigit 6.8 million foreign tourists ang bumisita sa Pilipinas sa unang 10 buwan ng taon, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Batay sa buwanang report na inilabas ng DOT nitong araw, natukoy na mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon ay umaabot na sa 6,800,052 ang mga bumisitang turista sa bansa.
Mas mataas ito ng 15.04 percent kumpara sa 5,911,161 arrivals na naitala sa kaparehas na period noong nakaraang taon.
“October visitor arrivals also revealed an affirmative year-on-year arrival growth for eight of the top ten source markets,” saad ng DOT.
Ang mga taga-South Korea pa rin ang nangunguna sa listahan ng mga bumisita sa Pilipinas nitong taon sa kabuuang bilang na 1,609,172 arrivals.
Sinabi ng kagawaran na inaasahan pa nilang tataas pa ang naturang datos kasunod ng paglalagda ng tourism cooperation program sa pagitan ng Pilipinas at Korea kamakailan.
Pumapangalawa sa listahan ang China na may 1,499,524 arrivals, sumunod ang Estados Unidos sa ikatlong puwesto sa 872,335 arrivals sa 10-buwan na period.
Nananatili naman sa pang-apat na puwesto ang Japan sa listahan na may 569,625 arrivals, na sinundan ng Taiwan na may record na 282,220.
Ang pagdami ng mga turistang bumisita sa bansa ay iniuugnay ni Tourism Sec. Bernadette Romulu-Puyat sa pinabuting air connectivity, marketing promotions, at magandang relasyon sa ibang mga bansa.