-- Advertisements --

Tuloy pa rin ang plano na sa Batasang Pambansa idaraos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas, July 27.

Ginawa ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pahayag matapos maitala ang ika-22 kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa mga empleyado ng Kamara, na nakumpirma nitong gabi ng Hulyo 25 lamang.

Sa isang panayam, sinabi ni Cayetano na sa ngayon ay wala pa rin namang nagbago sa naunang plano na sa Kamara idaos ang SONA.

Mas mainam aniya na sa Kamara ito isagawa para maipakita ang “normalcy” at para na rin maipabatid sa publiko na sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa ay nagsusumikap pa rin ang gobyerno sa pagganap sa trabaho nito.

Gayunman, sakaling magkaroon ng aberya, ay tiniyak nito na may nakahanda namang back up plan para sa SONA.

“May backup plan pa rin naman, you know napakagaling po at professional ng PSG (Presidential Security Group), at naiintidihan nila that COVID-19 is also an enemy,” ani Cayetano.

“So if they’ll make a call na hindi magiging safe para sa lahat, lalo na sa ating Pangulo d’yan sa Batasang Pambansa, even si Senate President Sotto ay nagsabing okay din siya sa Plan B,” dagdag pa nito.