Karamihan sa mga nasa hustong gulang na Pilipino, 55%, ay pabor na makipagtulongan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC’s) kaugnay sa drug-related killings na naganap noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay batay sa resulta OCTA Research.
Sa survey, ang pabor sa kooperasyon ay nakakuha ng pinakamaraming suporta sa Balance Luzon 65%, habang ang pinakamaliit ay sa Mindanao 42%.
79% naman sa mga mula sa Rehiyon ng Bicol ay higit na sumusuporta sa kooperasyon, habang ang Rehiyon ng Davao ay may 6% at hindi gaanong sumusuporta.
Sa kabilang banda, sa 45% ng mga Pilipino na hindi pabor na makipagtulungan ang kasalukuyang gobyerno sa ICC, karamihan ay mula sa Mindanao, 58%, at ang pinakakaunti ay nasa Balance Luzon na 35%. Tutol naman sa kooperasyon sa ICC ang Rehiyon ng Davao na nasa 94%.
Dagdag pa rito, batay sa OCTA, walang nakitang malaking pagkakaiba sa mga socioeconomic classes, na karamihan ay sumasang-ayon sa panawagan para sa kooperasyon.
Kung pagbabasehan ang edad, ang pinakamataas na suporta ay nagmula sa mga nasa hustong gulang na Pilipino na may edad na 75 pataas (67%), at ang pinakamababang suporta ay naobserbahan sa mga may edad na 35 hanggang 44 (50%).
Ang pinakamataas na porsyento ay nagmula rin sa mga nasa hustong gulang na Pilipino na may college o postgraduate na edukasyon (62%), habang ang pinakamababang suporta ay mula sa mga may high school education (53%).