BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang 54 anyos na magsasaka matapos magulungan ng harvester sa kahabaan ng palayan sa Brgy. Fulgosino Sitio Digap, sa bayan ng Umingan, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMAJ. Arnold Soriano, ang Chief of Police Umingan Police Station, base sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan, kakatapos lamang umanong mag-ani ng palay ang tatlong mga magsasaka at nang lumipat sila sa isa pang palayan, at habang nasa proseso ng pag-akyat sa isang mataas na bahagi, nagkaroon umano ng depekto sa makina ang harvester na nagtulak sa biktima na si Zaldy Linde Silapan na tumalon at hindi sinasadyang tumakbo.
Kasabay naman nito ang pag-urong ng harvester/Reaper.
Dahil dito, naipit ang biktima sa nasabing harvester.
Sinubukan pa umano itong tulungan ng kanyang kasamang si Edwin Peralta Abuan ngunit nagtamo na ang biktima ng malalang sugat sa kaniyang katawan.
Sinubukan pa itong itakbo sa isang pagamutan ngunit hindi na nagawa pang maisalba ang kaniyang buhay.
Maaari namang humarap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng harvester na si Noel Osquiza Bandarlipe ngunit sa kasalukuyan ay nakapag-usap na umano ang makabilang panig na nais na lamang nilang magkaayos at wala na ring balak na magsampa ng kaso ang kaanak ng biktima.