VIGAN CITY – Dead on arrival sa Candon General Hospital, Candon City, Ilocos Sur ang 54-anyos na lalaki matapos makoryente habang nagdidilig ng kaniyang tanim na mani sa Barangay Mambug, Santiago.

Nakilala ang biktima na si Jessie Quitoriano na residente ng Barangay Sabangan, Santiago, Ilocos Sur.

Sa inisyal na impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Vigan, posibleng hindi umano napansin ng biktima ang live wire na nakausli sa likuran nito kaya nang umatras ito, nasagi nito ang live wire na siyang rason ng kaniyang pagkakakoryente.

Hindi kaagad na naalis sa lugar ang biktima dahil sa takot ng mga nagrespondeng otoridad na makoryente rin sila.

Naitakbo lamang sa ospital ang biktima matapos na patayin ang switch ng nasabing koryente at kaagad na binuhat ang biktima patungo sa ambulansiya para dalhin sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.